May makukuhang tulong na gawad ng FEMA ang mga may-ari ng bahay at nangungupahan sa pitong itinalagang county na nakaranas ng kawalan dulot ng matinding bagyo noong Hulyo 13 – 16 dahil sa kawalan ng insurance (uninsured) o kulang sa insurance. Nakikipagsosyo ang FEMA sa U.S. Small Business Administration (SBA) upang tumulong na matugunan ang mga pangangailangan ng mga nakaligtas sa sakuna. Nag-aalok ang SBA ng pangmatagalan, mababang interes na mga pautang para sa sakuna (disaster loan) sa mga may-ari ng bahay, nangungupahan, negosyo at pribadong nonprofit sa idineklarang pangunahing lugar ng sakuna.
Pagkatapos mong mag-apply para sa tulong ng FEMA, huwag maghintay na mag-apply din para sa pautang mula sa SBA. Hindi mo kinakailangang mag-apply para sa SBA na pautang upang maisaalang-alang para sa mga gawad ng FEMA, ngunit maaari mong makaligtaan ang tulong ng SBA sa mga gastos kaugnay sa sakuna na hindi saklaw ng tulong ng FEMA.
Makakatulong ang mga programa ng SBA sa mga may-ari ng bahay at nangungupahan, gayundin sa malalaki at maliliit na negosyo (kabilang ang mga may-ari ng apartment) at mga nonprofit na organisasyon.
Maaaring maging karapat-dapat ang mga may-ari ng bahay para sa hanggang $500,000 na mga pautang na may mababang interes para sa pagpapayos o pagpalit ng kanilang tahanan. Ang mga umuupa at may-ari ng bahay na nawalan ng mga personal na gamit sa sakuna ay maaaring maging karapat-dapat na humiram ng hanggang $100,000 upang palitan ang mga bagay na kailangan nila katulad ng damit o muwebles – kahit sasakyan.
Kung ikaw ay may-ari ng negosyo sa isa sa mga itinalagang county ng Illinois na naapektuhan ng mga malalakas na bagyo, malalakas na tuwid na linya ng hangin, buhawi at pagbaha noong Hulyo 13 - 16 at nangangailangan ng tulong pagkatapos ng sakuna, may magandang pagkakataon na makakatulong ang SBA, ngunit kailangan mo munang mag-apply.
May mga makukuhang mababang interest rate ng pautang dulot ng sakuna.
Maaaring mag-alok ang SBA ng pautang na akma sa iyong personal na badyet. Ang mga interest rate ay kasing baba ng 2.688% para sa mga may-ari ng bahay at nangungupahan, 4.0% para sa mga negosyo at 3.25% para sa mga nonprofit na organisasyon. Pagkatapos matanggap ang paunang bigay ng pautang, hindi mo kailangan magbigay ng paunang bayad sa loob ng 12 buwan, at walang interes na maiipon sa loob ng 12 buwang iyon. Walang gastos sa pag-apply, walang mga point at origination na singil. Maaaring magkaroon ka ng hanggang 30 taon upang magbayad, at walang pre-payment penalty kung maaga kang magbabayad ng utang.
Kung mayroon ka nang mortgage sa nasirang ari-arian, makakatulong ang mga SBA specialist sa pautang na mababa ang interes na maaari mong bayaran. Sa ilang mga kaso, maaaring i-refinance ng SBA ang lahat o bahagi ng umiiral na mortgage.
Ang SBA ay ang pinakamalaking pinagmumulan ng mga pondo sa pagbangon (recovery funds).
Ang mga pautang ng SBA para sa sakuna ay ang pinakamalaking pinagmumulan ng pederal na mga pondo para sa pagbangon mula sa sakuna para sa mga nakaligtas. Ang mga pautang ng SBA para sa sakuna ay sumasaklaw sa mga pagkalugi na hindi ganap na nabayaran ng insurance, mga gawad ng FEMA o iba pang mapagkukunan. Ang mga nakaligtas ay hindi dapat maghintay para sa insurance settlement bago magsumite ng aplikasyon para sa SBA na pautang. Maaari nilang matuklasan na sila ay underinsured para sa deductible o labor at mga materyales na kinakailangan upang ayusin o palitan ang kanilang tahanan.
Maaaring magkaroon ng mga pondo upang mabawasan ang mga panganib sa sakuna sa hinaharap.
Maaaring piliin ng mga karapat-dapat na umuutang ng SBA loan na tumanggap ng pinalawak na pondo para sa mga hakbang sa pagpapagaan upang patibayin ang kanilang tahanan o negosyo laban sa mga sakuna sa hinaharap. Ang mga pautang ng SBA para sa sakuna ay maaaring tumaas ng hanggang 20% upang makagawa ng mga pagpapahusay sa mitigasyon.
Ikaw man ay galing mula sa idineklarang sakuna o nagpaplano nang maaga at iniisip kung paano protektahan ang iyong tahanan at pamilya, negosyo, at mga empleyado, ang tulong sa pagpapagaan ay hindi lamang nakakatulong sa iyo na muling buuin at makabalik sa negosyo, ngunit magagamit din ang pera para sa mga pagpapahusay ng ari-arian na nagbabawas o nag-aalis ng pinsala sa hinaharap o nagliligtas ng mga buhay.
Ang pag-apruba ng SBA sa mga hakbang sa pagpapagaan ay kinakailangan bago magawa ang anumang pagtaas ng pautang. Walang gastos para mag-apply, at wala kang obligasyon na tumanggap ng loan kung maaprubahan.
Kahit ang mga simpleng bagay ay maaaring magpalakas ng iyong tahanan o negosyo ngayon upang maiwasan ang pinsala at hindi planadong mga gastos sa hinaharap.
Simula noong Oktubre 15, ang mga pondo para sa Programang Pautang sa Sakuna (Disaster Loan Program) ay ganap na nagamit; habang walang mailalabas na bagong mga pautang hanggang sa maglaan ng karagdagang pondo ang Kongreso, hinihikayat ang mga aplikante na magsumite kaagad ng kanilang mga aplikasyon sa pautang para sa pagsusuri habang naghihintay ng pagpopondo sa hinaharap. Matuto nang higit pa tungkol sa tulong sa sakuna ng SBA sa sba.gov/disaster. Bisitahin ang www.fema.gov/disaster/4819 para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagbangon mula sa sakuna sa Illinois.