Ang Deadline ng Kahilingan para sa Pampublikong Tulong ay Oktubre 25

Release Date Release Number
23
Release Date:
October 7, 2023

HONOLULU – Ang mga ahensya ng gobyerno, pampublikong institusyon at ilang pribadong nonprofit na organisasyon tulad ng mga bahay ng pagsamba ay mayroong hanggang Miyerkules, Oktubre 25, upang magsumite ng kanilang Mga Kahilingan para sa pagpopondo ng Pampublikong Tulong sa Ahensya ng Pangangasiwang Pang-Emergency ng Hawai‘i (Hawai‘i Emergency Management Agency) para sa pinsalang dulot ng mga wildfire noong Agosto 8 .

Ibinabalik ng programang Pampublikong Tulong ng FEMA ang nagastos ng estado, mga lokal na gobyerno at ilang partikular na nonprofit na organisasyon para sa mga kwalipikadong gastusing may kaugnayan sa pinsala, kabilang ang pagtanggal ng mga nagkalat na piraso (debris removal), pang-emergency na hakbang sa proteksyon at pag-aayos o pagpapalit ng pampublikong imprastraktura. Maaaring kabilang sa mga permanenteng proyekto sa paggawa ang mga pag-aayos o pagpapalit ng mga paaralan, sistemang pantubig at pang-imburnal, kalsada at tulay.

Puwedeng direktang mag-apply sa FEMA ang mga pribadong nonprofit na organisasyon na nagbibigay ng mga kritikal na serbisyo tulad ng mga pasilidad at utility sa pangangalagang pangkalusugan. Kabilang sa iba pang halimbawa ng mga kritikal na serbisyo ang mga sistemang pantubig, pang-imburnal at pang-elektrikal; pribadong paaralan na nagbibigay ng elementarya o sekondaryang edukasyon o institusyon ng mas mataas na edukasyon.

Upang maging kwalipikado para sa tulong na kaloob ng FEMA, ang mga pribadong nonprofit na organisasyon na nagbibigay ng hindi kritikal na mahahalagang serbisyong panlipunan, kabilang ang mga bahay ng pagsamba at center sa komunidad, ay dapat ding mag-apply para sa pautang sa sakuna na may mababang interes mula sa Administrasyon ng Maliliit na Negosyo sa Estados Unidos (U.S. Small Business Administration). Hindi mo kailangang maghintay ng desisyon mula sa SBA upang makapagsumite ng Kahilingan para sa Pampublikong Tulong sa FEMA sa pamamagitan ng Ahensya ng Pangangasiwang Pang-Emergency ng Hawai‘i.

Kabilang sa iba pang halimbawa ng mga hindi kritikal na mahalagang serbisyo ang pang-edukasyong aktibidad para sa pagpapahusay, serbisyo sa pinangangasiwaang pangangalaga at daycare, serbisyo sa tirahan para sa mga taong may kapansanan, pabahay sa assisted living at sa mababa ang kita, tuluyan para sa walang matirhan at serbisyo sa rehabilitasyon, at pangkomunidad at pangtanghalan na center.

Sa ilalim ng mahalagang deklarasyon ng sakuna ng pangulo noong Agosto 10, puwedeng gamitin ang pagpopondo ng Pampublikong Tulong upang bayaran ang pagtatanggal ng mga nagkalat na piraso, pang-emergency na hakbang sa proteksyon at restorasyon ng pampublikong imprastraktura sa County ng Maui. Ang County ng Hawai‘i ay awtorisado para sa pagpopondo na limitado lamang sa mga pang-emergency na hakbang sa proteksyon na pumuprotekta sa buhay, pampublikong kalusugan at kaligtasan.

Dahil sa laki at dami ng pinsalang dulot ng mga wildfire, ang mga pederal na pondo para sa pagtanggal ng mga nagkalat na piraso sa County ng Maui ay awtorisado sa 100% ng kabuuang kwalipikadong gastos para sa tuluy-tuloy na 180-araw na panahong pinili ng estado. Katulad nito, ang mga pederal na pondo para sa mga pang-emergency na hakbang sa proteksyon ay awtorisado para sa mga county ng Maui at Hawai‘i sa 100% ng kabuuang kwalipikadong gastos para sa tuluy-tuloy na 90 araw na pinili ng estado.

Noong Setyembre 8, ang bahaging pang-pederal para sa mga proyekto ng Pampublikong Tulong ay itinaas sa 90% ng kabuuang kwalipikadong gastos, maliban sa tulong na partikular na inaprubahan sa 100%. Ang bahaging pang-pederal ay direktang binabayaran sa estado upang ibigay sa mga ahensya, lokal na gobyerno at kwalipikadong pribadong nonprofit na organisasyon.

Ang mga aplikanteng gustong maisaalang-alang para sa pagpopondo ng Pampublikong Tulong ay puwedeng makipag-ugnayan kay Brian Fisher, ang pinuno ng Pampublikong Tulong para sa Ahensya ng Pangangasiwang Pang-Emergency ng Hawai‘i, sa pamamagitan ng pagtawag sa 808-518-7985. Maaari ka ring mag-email sa Brian.J.Fisher@hawaii.gov o bisitahin ang Ahensya ng Pangangasiwang Pang-Emergency ng Hawai‘I (Hawai'i Emergency Management Agency) | KAHILINGAN PARA SA PAMPUBLIKONG TULONG ( REQUEST FOR PUBLIC ASSISTANCE, RPA) – Estado at County.

Para sa pinakabagong impormasyon sa mga pagsisikap para sa pagbangon mula sa wildfire ng Maui, bisitahin ang mauicounty.gov at fema.gov/disaster/4724. I-follow ang FEMA sa social media: @FEMARegion9 at facebook.com/fema. 

Tags:
Huling na-update noong